Home NATIONWIDE PrimeWater, LWUA deal ‘di ko inimpluwensyahan – Sen. Mark

PrimeWater, LWUA deal ‘di ko inimpluwensyahan – Sen. Mark

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Senador Mark Villar na may kinalaman siya sa mga joint venture agreements (JVA) ng PrimeWater at mga local water districts na pinangasiwaan ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong siya ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Giit ni Villar, wala siyang direktang o hindi direktang pagmamay-ari sa PrimeWater, isang kumpanyang pag-aari ng pamilya Villar.

Aniya, nakatuon lamang siya noon sa pagpapatupad ng mga imprastrukturang pangkomunidad.

“I wish to take this opportunity to clarify that I have no direct or indirect ownership or controlling interest in Primewater,” giit ni Villar.

“During my tenure as Secretary of Public Works, I did not participate in any capacity whatsoever in any transactions or potential transactions between Primewater and any of its partner districts. My focus then had been to implement our national goal of creating critical community infrastructure,” anang senador.

Lumabas ang pahayag matapos ihayag ng Malacañang na dumami ang kasunduan ng PrimeWater sa mga water districts noong 2019, sa panahong nasa ilalim pa ng DPWH ang LWUA.

Naipasa na sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat ng paunang imbestigasyon ng LWUA ukol sa reklamo laban sa PrimeWater. Inatasan na rin ng Pangulo ang mas malalim pang imbestigasyon.

Samantala, naghain na ng resolusyon sa Kamara para imbestigahan ang mga naturang kasunduan. Nangakong makikipagtulungan ang PrimeWater sa mga awtoridad.