MANILA, Philippines – Hinimok ng National Police Commission (NAPOLCOM) si whistleblower Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy, na magsumite ng affidavit sa kanilang tanggapan kaugnay ng mga pulis na umano’y sangkot sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson Atty. Rafael Calinisan, mas magiging mabilis ang proseso kung sa kanila ihahain ang reklamo, dahil hindi ito dadaan sa appeals process.
May listahan na umano ang NAPOLCOM ng mga pulis na sangkot at sisimulan na ang administrative investigation.
“Hindi puwedeng hindi kami mag-imbestiga,” ani Calinisan, na binigyang-diin din ang maingat na proseso dahil ang NAPOLCOM ang may huling pasya sa mga kasong administratibo.
Kaugnay nito, sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa “restricted duty” na ang 15 pulis na umano’y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga sabungero. Santi Celario