MANILA, Philippines – Simula sa School Year 2025-2026, ituturo na sa Filipino at English ang mga klase mula Kindergarten hanggang Grade 3, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa DepEd Order No. 020, s. 2025, ipinatutupad na ang Republic Act No. 12027 na nagwawakas sa paggamit ng Mother Tongue bilang pangunahing wika ng pagtuturo sa unang baitang ng edukasyon.
Ayon sa kautusan, maaari pa ring gamitin ang mga rehiyonal na wika bilang pantulong sa pagtuturo, lalo na kung makakatulong ito sa pag-unawa ng mga bata.
Ang Filipino Sign Language naman ay puwedeng gamitin sa mga klase ng mga batang bingi o may kapansanan sa pandinig.
Gayunpaman, ang mga paaralan at learning centers na nagsasagawa ng monolingual o iisang wika sa pagtuturo, gaya ng mga para sa Indigenous Peoples Education, ay maaari pa ring gumamit ng mother tongue kung may sapat na guro at materyales.
Tinukoy ng DepEd na habang nakatulong ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa pag-alis ng language barrier, may mga kakulangan itong kinaharap, tulad ng:
-Di pagkakapareho ng implementasyon
-Kakulangan ng mga gurong bihasa sa mother tongue
-Kulang sa akmang babasahin sa unang wika
Mariing tinutulan ng mga grupong pangguro ang batas. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition (TDC), imbes na tuluyang alisin ang MTB-MLE, dapat itong ayusin at palakasin, dahil mas epektibong natututo ang mga batang magbasa gamit ang wikang kinagisnan.
Ani ACT Chair Vladimer Quetua, “Ang bagong patakaran ay lalong nagpapalala sa krisis sa edukasyon at hindi solusyon sa problema sa curriculum.”
Sa kabila ng pagtutol, ipatutupad na ang bagong patakaran sa lahat ng pampublikong elementarya sa buong bansa. Santi Celario