Home NATIONWIDE DOST, US firm sanib-pwersa sa paggamit ng AI sa weather forecasting

DOST, US firm sanib-pwersa sa paggamit ng AI sa weather forecasting

MANILA, Philippines- Lumagda ang Department of Science and Technology (DOST)  ng Memorandum of Understanding (MoU) kasama ang  United States-based company, ‘Atmo,’ dalubhasa sa  AI-guided weather forecasting.

Sinabi ni DOST Assistant Secretary Napoleon Juanillo na
layon ng departamento na mapahusay at makapagbigay ng mas detalyadong daily weather forecasts sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI) technology.

Ito’y ginanap sa US-ASEAN Business 2023 Philippine Business Mission meeting noong Agosto 9, 2023, sa Marriott Hotel sa Maynila.

Sinabi ni Juanillo na ang US-ASEAN Business Council ay mayroong 175 kinatawan  mula US-based companies, kabilang na ang Atmo.

“Meron silang mga cutting edges na makakatulong sa ating mga problema sa climate change challenges. Benepisyo ‘yan sa atin lalo na sa mga magsasaka, kapag sinabi ng AI climate forecasting ay talagang mas accurate, granular at talagang ‘yung predictability at accuracy ng mga datos na mas magagamit ng ating mga magsasaka, pati mga mangingisda,” ayon kay Juanillo.

Aniya, nagtatag ang kompanya ng pakikipag-ugnayan sa state weather bureau PAGASA para tulungan ito na makapagbigay ng mas akmang forecasts.

“Para kahit ang pinakamaliit na datos ang pwede nating makuha para maiakma ang mga prediction and estimates, lalo na’t laging hinahamon ang ating bansa o kahit sa mga normal na araw,” ang wika ni Juanillo.

“So akmang-akma dito sa ating nararanasang bagyo at iba pang mga hazards kaya siguro ‘pag medyo ganyan nagbebenefit tayo o nagkakaroon ng kooperasyon sa mga pribadong kumpanyang ito, nagbebenefit din ang ating mga scientists, experts at mga estudyante,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, binanggit din ng DOST na maraming US-based companies ang nagpahayag ng interes sa pakikipagtuwang at kolaborasyon sa iba’t ibang larangan gaya ng health care, agrikultura, at climate change. Kris Jose