MANILA, Philippines- Humingi ng paumanhin nitong Linggo ang DDB Philippines, ang ahensyang kinontrata sa paglulunsad ng bagong tourism campaign ng bansa na “Love the Philippines,” sa anito’y “unfortunate oversight” hinggil sa pagsasama ng hindi orihinal na stock footage sa isang audiovisual presentation.
Inihayag ng DDB Philippines na inaako nito ang responsibilidad matapos akusagan sa online posts na ginamit sa AVP ang ilang clips mula sa subscription-based stock footage website Storyblocks na hindi kuha sa Pilipinas.
“While the use of stock footage in mood videos is standard practice in the industry, the use of foreign stock footage was an unfortunate oversight on our agency’s part. Proper screening and approval processes should have been strictly followed,” pahayag nito.
“The use of foreign stock footage in a campaign promoting the Philippines is highly inappropriate and contradictory to the DOT’s (Department of Tourism) objectives,” dagdag ng ahensya.
Ipinag-utos ng DOT nitong Sabado ang imbestigasyon sa mga alegasyon, na ayon sa blogger na si Sass Sasot ay naglalaman ng limang scenes na kuha sa ibang bansa: rice terraces sa Bali, Indonesia; isang mangingisda na naghahagis ng lambat sa Thailand; isang passenger plane sa Zurich, Switzerland; tumatalong mga dolphin; at indibidwal na nagmamaneho ng sasakyan sa sand dunes sa Dubai, the United Arab Emirates.
Sinabi ng departmento na bago ilunsad ang bagong slogan, ilang ulit nitong pinakumpirma sa DDB ang orihinalidad at pagmamay-ari ng lahat ng materyal na ginamit sa AVPs at key visuals, at siniguro umano ito sa kanila.
Iginiit ng DOT na walang ginamit sa public funds para sa video, na pinatotohanan ng DDB at sinabing ito ang gumastos sa video at isang inisyatiba para sa slogan.
Base sa DDB, ang kinukuwestiyong video—na ini-upload sa social media — ay “intended to be a mood video to excite internal stakeholders about the campaign” and was funded internally.
“This is an isolated incident, and the AVP [has] already been taken down as of this time… The succeeding ad materials have yet to be produced for this campaign,” anito.
Samantala, sinabi ng DOT na hindi ito mag-aalinlangan “to exact accountability and take the necessary action to protect the interest of the country even as it continues to exhaust all efforts to develop and promote the Philippine tourism industry.”
Nitong nakaraang Martes, opisyal na pinasinayaan ang “Love the Philippines” campaign na pumalit sa “It’s More Fun in the Philippines,” na ginagamit mula pa noong 2012. RNT/SA