MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Abril 23, ang pagbuo ng special task force na susuri sa mga polisiya at pamamaraan sa road safety sa layong maipatupad ang mga posibleng reporma para rito.
“Effective today, I am announcing the creation of a special task force to do a sweeping review of all our road safety policies and procedures,” pahayag ni DOTr Secretary Vince Dizon sa isang press conference.
Ang special task force ay binubuo ng mga tauhan mula sa DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO).
“Itong road safety kailangan sineseryoso natin ito lalo na ‘yung mga malalaking sasakyan, mga bus at trucks. ‘Yan po ang mga nakakamatay. Wala kang kalaban-laban,” ani Dizon.
“Masyado nang maraming nagiging insidente. Clearly, ‘yung mga polisiya ngayon, ‘yung mga proseso ngayon, hindi epektibo,” dagdag pa niya.
Sakop ng review ang posibleng crackdown sa mga unroadworthy vehicles at kwalipikasyon ng mga bus at truck drivers. RNT/JGC