Home NATIONWIDE DOTR chief makikipagkita sa iba’t ibang grupo sa PUV modernization program

DOTR chief makikipagkita sa iba’t ibang grupo sa PUV modernization program

MANILA, Philippines – Sinabi ni bagong Transportation Secretary Vince Dizon na makikipagkita siya sa mga transport group para pakinggan ang kanilang mga hinaing sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program.

Ayon kay Dizon, bagamat walang kwestyon na kailangan talaga ng upgrade ng public transport system n bansa, mahalaga rin umano na pakinggan ng pamahalaan ang mga isyu na may kinalaman sa naturang sektor.

“Naniniwala naman po ako na ang ating mga jeepney operators, hindi nila hahadlangan ang pag-unlad, hindi nila hahadlangan ang modernisasyon. Pero kung mayroon din silang lehitimong concerns na kailangang pakinggan ng gobyerno,” aniya.

Kabilang sa mga pangamba na sinabi ng transport groups gaya ng Manibela at Piston, ay ang malaking halaga ng unit at ang mababang subsidiya na inaalok ng pamahalaan para mabili ang mga ito.

Iginigiit din ng ilang operator na ang kanilang mga unit ay ‘roadworthy’ pa naman at maaari namang mai-upgrade sa halip na palitan ng imported mini-buses.

Tinututulan din ng mga grupo ang requirement na pagsama-samahin ang kanilang mga prangkisa sa ilalim ng isang korporason o kooperatiba.

Nangangamba ang mga single-unit at small fleet operators na mangangahulugan ito na hindi na nila magiging pag-aari ang sasakyan at walang matitira sa kanila kung malugi ang kooperatiba.

“[H]indi puwede ding iwanan na lang natin sa kinagisnan natin iyong ating mga jeepneys at iba pang nandiyan sa kalye natin. Kailangang mag-improve iyon,” sinabi ni Dizon.

Nauna nang hinimok ng Manibela si Dizon na suspendihin ang implementasyon ng jeepney modernization program at ibalik ang mga prangkisa ng unconsolidated jeepney operators.

Umaasa ang mga ito na maibabalik ang usapin sa pagitan ng pamahalaan kaugnay sa PUV modernization sa ilalim ng bagong transportation chief. RNT/JGC