Home NATIONWIDE DOTr, LTFRB pinagkokomento ng SC sa jeep modernization

DOTr, LTFRB pinagkokomento ng SC sa jeep modernization

Bigo pa rin ang mga transport group na mapatigil ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa halip na magpalabas ng temporary restraining order, inatasan ng Supreme Court (SC) ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsumite ng komento kaugnay sa amended petition na inihain ng ilang transport group laban sa PUVMP.

Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, iniutos ng SC En Banc sa DOTr at LTFRB na sagutin sa loob ng sampung araw ang kahilingan ng mga petitioner na mag-isyu ang Korte ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction (WPI).

Sinabihan ang mga respondents na partikular na ilahad sa SC ang mga bagong kaganapan patungkol sa consolidation, update hinggil sa public transport route plan at ang status ng pagdinig ng Kamara hinggil sa isyu.

Nilinaw naman ni Ting na hindi ibinabasura ng SC ang petisyun ng mga transport group bagkus ay nais nito mabusisi maigi ang petisyun.

Kabilang sa mga naghain ng petisyun ay si PISTON chairman Modesto Floranda, Jason Jajilagutan, Para-Advocates For Inclusive Transport member Edric Samonte, No to PUV Phaseout Coalition of Panay member Elmer Forro, at Komyut spokesperson Ma. Flora Cerna.

Sa ilalim ng PUVMP, ang mga jeepney drivers at operators ay kailangan bumuo ng kooperatiba. Maari din sila mag-apply ng bagong prangkisa bilang transport cooperatives.

Nagsimula ang naturang programa noong 2017. Layon nito na palitan ang mga lumang dyip ng sasakyan na may Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon. Teresa Tavares