Home HOME BANNER STORY DOTR maghahain ng arbitration case sa ‘di nagamit na Dalian trains

DOTR maghahain ng arbitration case sa ‘di nagamit na Dalian trains

127
0

MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Transportation (DOTr) ang paghahain ng arbitration case laban sa Chinese train maker na CRRC Dalian Co. Ltd para sa danyos sa hindi pa rin nagagamit na 48 train sets para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Sa panayam, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na maaari silang maghain ng arbitration suit sa Singapore International Commercial Court.

“Magkakaroon yan ng liquidated damages kasi hindi nila na-meet yung requirements natin e. But of course, subject to agreement… We should be fair and reasonable in terms of what should be collected from Dalian,” ani Bautista.

“Posibleng magkaroon ng arbitration ‘yan. In fact, nakikita ko na doon papunta ‘yang problem natin on Dalian trains,” dagdag pa ng opisyal.

Aniya, ang paghahain ng arbitration suit ay maaaring mangyari bago ang planong pagsasapribado ng operasyon ng MRT-3.

Layon ng pagbili ng Dalian trains na pataasin ang kapasidad ng MRT-3 sa 800,000 pasahero kada araw.

Ito ay binili noong 2014 at naideliber noong 2017 ngunit nananatiling nakatengga dahil sa incompatibility issues.

Ipinaliwanag ni Bautista na dahil ang bigat ng Dalian trains ay hindi compatible sa riles ng MRT-3, pinili nilang huwag na lang itong gamitin.

“The reason why we don’t like to operate those trains at this time is posibleng maging mas mataas ‘yung maintenance cost. Maintaining the rail line might be affected also and it can result in higher operating cost also,” ayon pa kay Bautista.

Kamakailan ay inirekomenda ng Commission on Audit sa DOTR na i-follow up sa CRRC Dalian ang mga alalahanin sa “rectification relative to the Tare Weight and Depot Maintenance Equipment Compatibility as well as the pending Overhaul training relative to the Second Operating Condition Reliability Run Scope of the Way-Forward Plan.”

Inirekomenda rin ng COA ang aktibong pakikipag-ugnayan sa CRRC Dalian at Sumitomo Corporation —ang maintenance provider ng MRT-3– para sa mga nararapat na hakbang para pabilisin ang pagkumpleto sa Way-Forward Plan para magamit na ang mga train set at makinabang ang mga pasahero na layunin kung bakit ito binili.

“In fact, tiningnan kung paano mababawasan ‘yung weight… merong train na dinala na rin sa Japan e para i-evaluate kung papaano magco-comply doon sa requirement namin as agreed. Siguro, if we will be satisfied, we can agree with them to operate the Dalian train,” sinabi ni Bautista.

Ayon pa sa Transportation chief, ang paggamit sa Dalian trains ay naka-depende na private concessionaire na mangangasiwa sa operasyon at maintenance ng MRT-3 sa 2025. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here