Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) sa matinding trapiko habang sinisimulan ang buong rehabilitasyon ng EDSA sa katapusan ng Marso.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, nakikipagtulungan sila sa MMDA at DPWH upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng sasakyan.
“Hindi po natin mapipigilan na medyo bibigat talaga ang daloy ng trapiko kapag ni-rehab ang EDSA kasi itong rehab na ito, hindi na po ito ‘yung patse-patseng rehab noong mga nakaraan. Ito po ay buong rehab na ng buong EDSA,” anang kalihim sa isang ulat.
Hindi tulad ng dati, sasakupin ng proyektong ito ang buong EDSA.
“Kaya po hihingi na lamang po tayo ng paumanhin pero gagawin po natin ang lahat sa tulong ng [Metropolitan Manila Development Authority] at [Department of Public Works and Highways] para po maibsan ang traffic diyan,” dagdag pa niya.
Magsisimula ang unang bahagi sa northbound lane mula Quezon City/Caloocan boundary hanggang Monumento.
Ang rehabilitasyon ay bahagi ng paghahanda ng bansa sa ASEAN Summit sa susunod na taon. RNT