Home NATIONWIDE Walang pruweba sa suhulan sa BI officers sa pag-eskapo ni Guo

Walang pruweba sa suhulan sa BI officers sa pag-eskapo ni Guo

Hindi na napiga ng mga Senador si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang humarap sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado.Ginigisa ng mga senador si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Dong Calugay sa posibilidad na relasyon o ugnayan nila ni Guo. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado na walang ebidensya na sinuhulan ang mga tauhan ng Immigration para tulungan na makalabas ng bansa ang natanggal na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo gayundin ang iba pang high-profile na indibidwal na nauugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Batay sa ginawang presentation ni Viado na bahagi ng ipinagpapatuloy na Senate hearing hinggil sa pagtakas ni Guo, pinanindigan ng BI Commissioner na hindi dumaan si Guo sa anumang pormal na daanan nang umalis siya sa Pilipinas noong nakaraang taon.

“Let me address the elephant in the room. So many people wish to hear that the POGOs paid an immigration officer in one of the air or seaports so that these bad people can escape our shores, but there is simply no proof or evidence to that effect,” ani Viado.

“We have been begging any witnesses from any official airport or seaport to come forward for four months now to give proof on anything related particularly to Alice Guo and her siblings,” dagdag pa ng opisyal.

Tiniyak naman ni Viado sa Senate subcommittee on justice and human rights na sila ay agad na aaksyon sakaling makakuha sila ng anumang patunay na magbabalik sa teorya ng panunuhol.

Tulad ng mga teoryang ipinakita ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa huling pagdinig, naniniwala ang BI na si Alice Guo ay umalis ng bansa sa pamamagitan ng backdoor exit.

“She may have entered Sabah by crossing Tawi-Tawi,” ani Viado.

Binanggit niya ang pag-aaral ng Inter-Agency Council Against Trafficking kung saan itinuro na ang mga lokal ng Zamboanga, Sulu, at Tawi-Tawi na mga lugar ay bumibiyahe sa Sabah nang hindi sumasailalim sa passport clearance dahil ginagawa nila ito mula pa noong unang panahon.

Samantala, iniharap ni NICA Deputy Director General Ashley Acedillo ang dalawang escape route ni Guo batay sa kanilang imbestigasyon na sa pamamagitan ng Palawan at Tawi-Tawi.

Ayon kay Acedillo, posibleng bumiyahe si Guo mula Tarlac hanggang Batangas port sa pamamagitan ng lupa, pagkatapos ay sa Coron port sa pamamagitan ng dagat, pagkatapos ay mula sa Coron airstrip hanggang sa alinmang paliparan sa southern Palawan sa pamamagitan ng eroplano.

“Guo possibly stayed at port areas in Palawan such as Brooke’s Point, Rio Tuba, or Buliluyan before heading to Kudat, Sabah by sea. From Kudat, she travelled to Kota Kinabalu… by land, and from Kota Kinabalu, Guo boarded a flight at the Kuala Lumpur International Airport for Singapore,” ani Acedillo.

Ayon kay Acedillo, mayroong counter-setting scheme kung saan ang mga dayuhan ay pinapayagang makapasok sa bansa nang walang tamang inspeksyon sa pamamagitan ng pagdidirekta sa mga itinalagang counter sa immigration entry points.

Ang isa pang posibleng ruta ay sa Tawi-Tawi kung saan posibleng bumiyahe si Guo mula Tarlac hanggang Batangas port sa pamamagitan ng lupa, pagkatapos ay mula sa Batangas port hanggang Balabac, Palawan sa pamamagitan ng hangin, pagkatapos ay mula sa airstrip ng Balabac hanggang Tawi-Tawi sa pamamagitan ng dagat. JR Reyes