MANILA, Philippines – BINATIKOS ni senatorial aspirant Atty. Jayvee Hinlo ang Department of Public Works and Highways at sinabing dapat itong managot sa mga palpak na proyekto nito.
Ginawa ni Atty. Hinlo ang pahayag nang maging panauhin ito sa programang The Big Story ng One News.
Ayon sa dating opisyal ng Department of the Interior and Local Government, hindi kayang kontrolin ang kalamidad pero dapat may master plan bilang paghahanda rito.
Paliwanag ni Hinlo, kinakailangan ang master plan laban sa pagbuhos ng ulan na lumilikha ng baha at kung saan dapat lalabas ang tubig.
Binanggit ni Hinlo ang naging paghahanda noon ng dating administrasyong Duterte sa mga panahon ng kalamidad noong opisyal pa siya ng DILG.
“We should not be reactive, but rather, we should already look forward when this kind of problem arises, we have to be prepared way ahead. What should be the response? Government should be ready,” aniya.
Idinagdag pa ni Hinlo na taon-taong nananalasa ang bagyo sa bansa, subalit patuloy na nangyayari ang mga baha at likha nitong kalamidad dahil sa kawalan ng kahandaan ng pamahalaan na lumaban dito.
Aniya, ipinapasa ni DPWH SecretaryManuel Bonoan ang sisi sa Metropolitan Manila Development Authority dahil sakop umano nito ang flood control projects sa Metro Manila, gayung sila naman ang nag-construct ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Idinagdag pa ni Hinlo na kapag budget ang pinag-uusapan, lahat masaya, kapag pinag-usapan na ang kalamidad at epekto nito, ipinapasa na ang sisi sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Ito umano ang dapat iniimbestigahan sa Senado at hindi ‘yung pulitika.
Binanggit pa ni Hinlo na sa ibang mga bansa, sa mga pagkakataong may mga kalamidad at lumitaw ang kabiguan sa paggampan ng tungkulin, ang mga opisyal ay nagbibitiw sa pwesto, ngunit sa Pilipinas, sila’y kapit-tuko.
Marami umanong polisiya ng gobyerno ang kailangang rebisahin laban sa baha.
Isa pa umanong problema sa DPWH ang pagsira sa magaganda pang daan at may pondo para rito.
Dapat din umanong tingnan ang mga reklamasyon, pagmimina at reforestation program gaya ng mangrove sa mga tabing dagat o kailugan.
Dapat umanong may programa ang gobyerno at huwag ituring ng mga opisyal ang kanilang mga sarili na sila lang ang magaling at may monopolyo sa kaalaman. RNT