MANILA, Philippines — Nag-alok ng kabuuang P200,000 pabuya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at dating kongresista na si Paul Daza para sa anumang impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan ng suspek sa pagpatay sa engineer na si Karen Corsino Del Valle sa Northern Samar.
“The (DPWH) family mourns and condemns the fatal shooting of our colleague, (Del Valle) of the DPWH Northern Samar 1st District Engineering Office,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Dagdag pa nito, naglaan ng tig-₱100,000 na pabuya sina DPWH Secretary Vince Dizon at dating Congressman Paul Daza para sa impormasyon na makatutulong sa pag-aresto sa suspek na si Sgt. Jerome Lluz Tejero na sinasabing ka-live in umano ng biktima.
Si Del Valle, 25-anyos na civil engineer, ay binaril at napatay sa Catarman, Northern Samar noong umaga ng Marso 2 habang ipaparada nila ng kanyang kapatid na si Kent John Corsino ang kanilang motorsiklo sa harap ng Catarman Regional Trial Court sa Barangay Dalakit.
Nagtamo siya ng tama ng bala sa ulo at idineklarang dead on arrival sa ospital, habang sugatan naman ang kanyang kapatid na nananatiling nasa kritikal na kondisyon.
Naglunsad ng manhunt ang mga awtoridad matapos umanong tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Naglatag din ng mga checkpoint sa Catarman at kalapit na lugar upang matunton ang suspek.
Nauna nang kinondena ng Philippine Army ang insidente at sinabing ang suspek ay aktibong miyembro ng Army’s 8th Infantry Division na nakatalaga sa Samar at umano’y dating live-in partner ni Del Valle.
Batay sa inisyal na ulat, naganap ang pamamaril sa araw na nakatakdang dumalo ang magkapatid sa pagdinig sa korte kaugnay ng Violence Against Women and Children (VAWC) case na isinampa ni Del Valle laban kay Tejero.
“The Philippine Army does not tolerate criminal acts committed by its personnel under any circumstance,” ayon sa pahayag ng Army’s 8th Infantry Division noong Marso 3.
“Such actions are a direct affront to the core values of honor, service, and patriotism that every soldier is sworn to uphold,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ng Philippine Army na nakikipagtulungan ito sa Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon at sa agarang pag-aresto sa suspek. Mary Anne Sapico