MANILA, Philippines- Nakatakdang kuwestiyunin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bilyon-bilyong halaga ng flood control projects sa buong bansa matapos manalasa ang bagyong Kristine.
Sinabi ni Escudero, tubong-Sorsogon na matinding hinagupit ng bagyo, na inaasahang igigisa ng Senado ang lahat ng ahensyang may kinalaman sa flood control sa gaganaping deliberasyon ng badyet sa 2025.
Bukod sa DPWH, igigisa din ng Senado ang Department of Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense-Office of the Civil Defense (DND-OCD) sa deliberasyon ng badyet hinggil sa pondong ginamit sa Bicol region labag sa baha.
“I expect that this will be brought up during the budget deliberations of DPWH, DENR, DILG, DSWD, [and the] DND/OCD,” ayon kay Escudero.
Ganito ang reaksyon ng lider ng Senado sa baha na umabot sa mahigit sa ikalawang palapag ng kabahayan sa Bicol Region na matinding tinamaan ang Naga City nang manalasa ang bagyong Kristine at kumitil ng 46 indibidwal.
“Moving forward, however, we will not only exact accountability but also make sure the 2025 budget will provide preventive measures to avoid a recurrence as well as adequate rehabilitation and response in case of a similar calamity in the future,” wika niya.
Nakatakdang magbalik ang deliberasyon ng badyet sa Nobyembre 4, 2024.
Samantala, binanggit ni Senador Joel Villanueva na umabot sa mahigit P31.9 bilyon ang alokasyon ng DPWH sa flood control projects sa Bicol Region.
“So ito dapat tignan natin mabuti sa budget deliberation kung saan ba talaga napupunta ito. May impact ba talaga itong ginagawang flood control projects and programs ng pamahalaan,” ayon kay Villanueva sa Zoom briefing.
Pinakamatinding hinagupit ng bagyong Kristine ang Bicol region na lumubog ang pitong bayan sa baha. Ernie Reyes