Home OPINION DPWH, HAWAK KORONA NG MAY PINAKAMARAMING KORAP

DPWH, HAWAK KORONA NG MAY PINAKAMARAMING KORAP

355
0

MUKHANG nalipat na sa Department of Public Works and Highways ang korona nang may pinakamaraming tiwaling opisyal pagdating sa usapang kurakot sa proyekto ng gobyerno.

Pero syempre, hindi lang naman mga opisyal ng naturang ahensya ng pamahalaan ang nakakapukaw sa ngitngit at panggigigil ng taumbayan, kundi higit sa lahat, sa mga mambabatas na naglalaan ng pondo sa mga proyektong kanilang isusulong ang ang mga contractors na kanilang kasabwat para makopo ang proyekto.

Lantad na lantad na kasi ang mga ebidensiya ng katiwalian ng mga sangkot na opisyal ng DPWH, kasabwat ang mga kinuha nilang contractors, kaya tukoy na tukoy na rin kung sinong kongresista o senador ang naglaan dito ng pondo.

Kailangan ng malalimang pagsisiyasat bago matukoy kung sino ang mga sangkot na opisyal o kawani na sangkot sa katiwalian.

Sa DPWH, garapalan at kitang-kitang kita ang ebidensiya lalo na ang ghost projects at substandard projects kaugnay sa flood control kaya walang lusot ang contractors at district engineers habang kakalkalin pa ang pagkakasangkot ng kongresista o senador na naglaan ng pondo sa palpak na proyekto.

Bukod pa sa ebidensiya sa mga palpak na flood control projects, inilantad pa ng ilang contractors ang kanilang yaman sa publiko, pati na ang mga sangkot na engineers, na ipinagmalaki ang suot na mamahaling relo, damit, at maging sapatos, pati na ang daang milyong ipinatalo sa casino.

Sa ngayon, mga contractors at opisyal ng DPWH pa lang ang nasasampahan ng isang katerbang kaso at wala pa kahit isang politiko lalo na’t lahat ay itinatanggi ang akusasyon na “given” naman dahil sino na ba naman sa kanila ang aamin sa kasalanan? ` May mga pangalan na ng politiko ang lumulutang kabilang na si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na wala na ngayon sa bansa.

Katunayan, hindi lang sa bilyong halaga ng insertions sa budget nasangkot ang kanyang pangalan kundi sa pagiging contractor din dahil siya ang founder ng Sunwest Inc. habang kapatid naman niya ang founder ng Hi-Tone Construction na nakakokopo ng maraming flood control project sa gobyerno.

Pinangalanan din siya ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na namba-braso para bigyan ng import permit ng isda ang tatlong kompanya na ang isa ay sa ZC Victory Fishing Corp na obvious naman kung kanino ang inisyal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here