MANILA, Philippines – Puspusan ang isinasagawang declogging sa mga drainage ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong araw, Hulyo 23 katuwang ang pamahalaang lungsod ng Maynila.
Gamit ang heavy equipment na boom truck crane at loader, binuksan ang drainage system upang alisin ang mga nakabara papuntang Faura Pumping Station.
Ang pagbukas sa drainage system ay malaking tulong upang malinis ang mga nakabara para sa mas mabilis na pagdaloy ng tubig baha.
Pansamantala namang isinara ang isang linya ng kalsada sa Padre Faura upang bigyang-daan ang declogging operation ng DPWH.
Nauna nang nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng tulong sa DPWH, MMDA, at DPS upang matunton ang sanhi ng malawakang pagbaha sa lungsod ng Maynila.
Patuloy din ang pag-iinspeksyon ng alkalde sa iba pang lugar na apektado ng matinding pagbaha upang sa gayon ay masolusyunan ang problema sa baha tuwing tag-ulan.
Maaga ring nag-inspeksyon si Mayor Isko sa kahabaan ng Taft Avenue patungong Padre Faura na mataas din ang tubig baha.
Ayon sa alkalde, kahit paano sa paglilinis at declogging ay bahagyang bumababa ang tubig baha dahil naalis na ang mga putik at buhangin na nakabara sa mga drainage. Jocelyn Tabangcura-Domenden