MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng disqualification case laban sa barangay chairman sa Cagayan de Oro na umanoy nagbigay ng mahigit 8,000 barangay certificates na nagdala ng mataas na bilang ng mga botante o voter registration para sa 2025 May election.
Sa 13 pahinang resolusyon, pinagtibay ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng specialialized task force at ang Election and Barangay Affairs Department na nagsagawa ng imbestiagsyon sa umanoy maanomalyang voter registration sa Barangay Carmen.
Natuklasan sa imbestigasyon ang kabuuang bilang ng registered voters sa barangay Carmen na umabot sa 56,837 noong Nobyembre 2024 mula sa 32,218 noong Oktubre 2023 na nagdala sa 44.41 porsyentong pagtaas sa mga botante. Kabuuang 8,218 o 37.60 porsyento ng aplikante ang nagparehistro na may barangay certificates.
Nabahala ang mga mambabatas kabilang si Cagayan de Oro Representative Lordan Suan sa ulaty ng maanomalyang paglobo ng mga bagong botante para sa 2025 election tulad ng Batangas, Makati., Nueva Ecija at iba pa.
Nauna nang sinabi ng Comelec na bumuo ito ng task force na sisilip sa isyu. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)