Home METRO Dragnet operation sa ikadarakip ng pumaslang sa ex-chairman at ABP Partylist nominee...

Dragnet operation sa ikadarakip ng pumaslang sa ex-chairman at ABP Partylist nominee ikinasa ng MPD

MANILA, Philippines- Nagkasa na ng dragnet operation at inatasan na ang lahat ng police stations na suriin ang lahat ng hospital at clinic sa area of responsibility kung may dinalang lalaking sugatan sa nangyaring palitan ng putok matapos pagbabarilin ang isang dating barangay chairman at congressional aspirant para sa May 12 elections.

Ayon sa Manila Police District (MPD), ang biktimang si Leninsky Bacud, dating chairman ng Brgy. 435 at ikatlong nominado para sa ABP Partylist (Ang Bumbero ng Pilipinas Partylist ) ay tinamaan ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Kabababa lamang umano ng biktima sa kanyang SUV bandang alas-6 ng hapon noong Lunes nang tambangan ng mga suspek na nakamotorsiklo.

Bumaba ang backrider at pinagbabaril si Bacud.

Sugatan din ang isang rumespondeng pulis na si Police Officer Jethro Realisa, nakatalaga sa QCPD at nakatira lamang malapit sa pinangyarihan ng pamamaril matapos siyang tamaan ng bala sa paa.

Kapwa isinugod sa UST hospital ang mga biktima ngunit binawian ng buhay si Bacud.

Sa kautusan ni MPD Director P/Brig.Gen. Benigno Guzman, nag-deploy na rin ng mga operatiba upang i-backtrack ang mga CCTV footages para sa mabilisang pagresolba sa krimen.

Sakay ang mga salarin ng itim na motorsiklo, kapwa nakasuot ng “Angkas” helmet at green long sleeves. Jocelyn Tabangcura-Domenden