Home METRO Drayber, konduktor arestado sa paggamit ng iligal na droga sa EDSA busway

Drayber, konduktor arestado sa paggamit ng iligal na droga sa EDSA busway

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) Martes ng gabi, Hulyo 2 ang drayber at konduktor ng isang bus na may biyaheng EDSA busway matapos mahuling gumagamit ng iligal na droga habang namamasada.

Ayon sa ulat, nakuhanan ng drug paraphernalia at hinihinalang shabu ang magkapatid na suspek sa isinagawang inspeksyon ng SAICT sa naturang bus.

Ito ay dahil sa sumbong na rin ng isang concerned citizen.

Nakita rin ang ilang foil at plastic sachet na nakakalat sa sahig at upuan sa likurang bahagi ng bus.

“May concerned citizen sa Q-Mart then nag-inform sa ating guard sa busway and then na-alerto ang ating tropa na SAICT at ating PCG contingent sa SAICT. Sinundan namin yung tawag ng security guards and then from Q-Mart hanggang dito (PITX), dito na kami nagkaroon ng chance na talagang i-search siya dahil sa ating mga nakitang drug paraphernalia sa likod,” pahayag ni Ens. Eugene Duran, deputy commander ng PCG-SAICT contingent, sa panayam ng ABSCBN News.

Nakuha rin sa mga ito ang isang sachet ng hinihinalang shabu na isinilid sa bag ng drayber.

Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang ng mga awtoridad.

“Wala kaming alam diyan, hindi sa amin yan, hindi kami gumagamit… Bahala na sila diyan basta wala kaming alam diyan,” depensa ng 27-anyos na konduktor.

Handa naman ang mga ito na sumailalim sa drug test bagamat aminado na gumagamit siya ng illegal na droga noong isang buwan.

“Gumagamit ako pero minsan lang. Ngayon, hindi ako gumagamit. Galing akong bakasyon.”

Hindi rin alam ng drayber kung kanino ang drug paraphernalia na Nakita sa likod ng bus.

Nasa kustodiya ng PCG-SAICT ang mga suspek sa Taguig na isasailalim sa drug testing.

Kung mapatunayan ang krimen, mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang magkapatid na suspek. RNT/JGC