Home NATIONWIDE P10-M cash aid para sa mga magsasaka at mangingisda sa Sulu ipinamahagi

P10-M cash aid para sa mga magsasaka at mangingisda sa Sulu ipinamahagi

INIABOT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Biyernes ang P10 million sa Provincial Government ng Sulu bilang cash assistance para sa mga magsasaka at mangingisda ng lalawigan na labis na tinamaan ng El Niño.

Ito ang unang pagkakataon na binisita ni Pangulong Marcos ang Sulu bilang Pangulo ng bansa.

Sinasabing 9 na buwan na ang nakalipas nang bisitahin ng Pangulo ang lugar matapos na kapuwa bisitahin nina Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang lalawigan para maghatid ng tulong noong Oktubre ng nakaraang taon.

“Nawa’y ang tulong na dala namin ngayon ay magpalakas sa inyong mga kabuhayan at magpatibay pa lalo sa inyo bilang isang lalawigan,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang distribusyon ng presidential assistance sa Jolo.

“Hindi namin kayo iiwan sa pagharap sa pagsubok na ito, kaya kami ay [magbabahagi] ng ayuda upang makabangon kayong muli at higit pang mapayabong ang inyong pamumuhay,” dagdag na wika nito.

Makikita naman sa data ng gobyerno na dahil sa dry spell, nasira nito ang mahigit sa P5.3 milyong halaga ng pananim sa lalawigan, dahilan para malugi ang 912 magsasaka.

Nagpaabot naman ang DSWD ng tig-P10,000 sa bawat isa sa 5,000 magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program.

Sa kabilang dako, namahagi naman ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) –Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng farm machineries at equipment sa mga magsasaka sa Sulu.

Nagbigay naman ang Office of the Speaker of the House of Representatives ng limang kilong bigas sa bawat attendees.

Matatandaang noong nakaraang Abril, 19 na munisipalidad ng lalawigan ang inilagay sa state of calamity (SOC) bilang tugon sa weather phenomenon.

Sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan, inaasahan na ang Sulu ay makararanas ng halos normal na ‘rainfall levels’ mula Hulyo hanggang Oktubre ngayong taon.

Naghanda naman ang DSWD 3,338 family food packs at iba pang non-food items na nagkakahalaga ng P2.55 million sa DSWD-Field Office IX bilang contingency. Kris Jose