MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng House Committee on Transportation ang mga awtoridad sa ginawang “special treatment” sa isang SUV driver na nahuling nag-counterflow sa loob ng EDSA busway.
Dalawang linggo na ang lumipas mula nang iligal na dumaan ang SUV sa loob ng EDSA busway pero sinita ito ng mga mambabatas dahil hindi pa rin sinasampahan ng kaso ang pasaway na driver.
Nabatid din na hinatid pa ng mga awtoridad ang driver sa kanyang condominium sa Taguig City sa halip na presinto ng pulisya.
“Itong taong ito special treatment ang binigay ninyo eh. Hinatid niyo pa nga sa BGC eh!” ani Antipolo Rep. Romeo Acop, na siya ring chairperson ng komite.
“Definitely, we’re not giving him special treatment. Meron po kami pagkakamali and we apologize for that. Dapat dinala yun sa police station. Dapat iniwan po doon. That’s why retraining is essential here,” ani Jose Lim, assistant secretary ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakatanggap ng ticket ang driver dahil sa reckless driving at illegal counterflow.
Ngunit sinabi ng MMDA na hindi deputized na magsampa ng reklamo ng pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak, lalo na’t kailangan nito ng resulta ng pagsusuri ng breath analyzer, na maaari lamang ibigay ng mga pulis o mga tauhan ng Land Transportation Office.
Sinabi ng DOTr na walang LTO na naroroon sa insidente ngunit isang Makati police officer ang dumating sa pinangyarihan.
Gayunman, hindi inaresto ng Makati cop ang driver at hindi rin nagsagawa ng breath analyzer test sa kabila ng amoy alak ng motorista at inamin pa niyang galing siya sa isang “gimik”.
“Sinabi ng mga enforcers namin na nag-counterflow at mukhang nakainom but police asked if nagreresist daw ba yung driver and they said hindi naman at maayos naman nakakausap and then sabi ng pulis “di naman pala nagreresist, kaya niyo na yan.” ani Lim.
Sa pagdinig ng House Committee, nabatid na ang sasakyan ay nakarehistro sa ilalim ng ina ng driver.
Napag-alaman ng LTO na mayroon lamang bakanteng lote sa address na ipinahiwatig ng ina sa certificate of registration ng sasakyan. Aminado ang ahensya na ang pekeng dokumento ang kanilang pinagkakaabalahan.
Idinagdag nito na ang driver ay nagsumite na ng paliwanag sa LTO at ang kaso ay isinumite para sa resolusyon. RNT