QUEZON CITY — Tinutukoy na ng Land Transportation Office ang driver na nagpakarga ng gasolina sa isang gas station sa Barangay Payatas at tumakas nang hindi nagbayad noong Lunes ng madaling araw.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, nakikipag-ugnayan na ang intelligence division ng ahensya sa biktima upang makuha ang mga detalye ng insidente.
Nakaalarma na rin ang sasakyan, kaya hindi ito maaaring ma-renew o mailipat ang rehistro.
“Sa oras na mag rehistro siya at hindi ma-rehistro, mahuli namin [at] impound na po yun,” ani Lacanilao.
Dagdag pa niya, maaaring masuspinde o tuluyang makansela ang lisensya ng driver kapag napatunayan ang kaso.
Ayon sa Quezon City Police District, umabot sa ₱1,500 ang hindi nabayarang gasolina ng driver bago ito tumakas sa gas station na nasa kanto ng Payatas Road at Empire Street.
Sinasabing white four-door sedan ang sasakyan na tumakas patungong LITEX Road, at patuloy ang backtracking operation ng mga awtoridad para matunton ito.
Nauna nang may kaparehong insidente sa Quezon City kung saan isang driver ang tumakas matapos magpakarga ng mahigit ₱5,000 at kalaunan ay sumuko sa pulisya. Santi Celario