Home NATIONWIDE Drayber ng SUV na naghagis ng inumin sa windshield ng isa pang...

Drayber ng SUV na naghagis ng inumin sa windshield ng isa pang motorista ipinatawag ng LTO

186
0

MANILA, Philippines – DAHIL sa kawalan ng disiplina, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na nakunan sa viral video na naghagis ng inumin sa windshield ng isa pang motorista sa pampublikong kalsada.

Sinabi ng LTO sa isang pahayag nitong Biyernes, Enero 30 na inaalam pa nito ang pagkakakilanlan ng lalaking driver, ngunit naglabas na ng show-cause order laban sa kanya at sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Idinagdag nito na inaasahang ibunyag ng may-ari ng SUV ang pagkakakilanlan ng driver.

Binanggit ng ahensya na 90-araw na preventive suspension ang ipapataw sa driver kapag siya ay nakilala.

Kaugnay nito, batay sa show-cause order, binanggit ng LTO ang isang viral video na nagpapakitang huminto sa gitna ng kalsada ang driver ng SUV.

“Ang ganitong uri ng pag-uugali ng mga driver at kapabayaan ng mga may-ari ng sasakyan ay hindi katanggap-tanggap, at hindi namin hahayaan na makompromiso ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga mamamayan,” sabi ni LTO chief Markus Lacanilao.

Dahil dito, inaatasan ang driver at may-ari ng SUV na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division sa East Avenue, Quezon City, para sa isang hearing sa Pebrero 4, alas-11 ng umaga.

Samantala, inutusan silang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa obstruction of traffic at kung bakit hindi dapat bawiin o suspindihin ang driver’s license dahil sa pagiging hindi tamang tao sa pagpapatakbo ng sasakyang de-motor.

Binanggit din ng ahensya na ang rehistradong may-ari ay dapat magsumite ng paliwanag kung bakit hindi administratibong singilin para sa compulsory registration ng mga sasakyang de-motor.

Isinailalim na sa alarma ang sasakyang ginamit sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here