Home NATIONWIDE Higit P43M cocaine nasabat sa NAIA T3, pasahero arestado

Higit P43M cocaine nasabat sa NAIA T3, pasahero arestado

177
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P43 milyon halaga ng hinihinalang cocaine ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa isang arring passenger sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Enero 29.

Ayon sa Bureau of Customs–NAIA, umabot sa 8.197 kilo ng ilegal na droga ang nadiskubre sa bagahe ng pasahero matapos itong makitaan ng kahina-hinalang imahe sa X-ray screening. Dahil dito, isinailalim sa 100% pisikal na inspeksyon ang maleta kung saan tumambad ang puting pulbos na kalauna’y nakumpirmang cocaine.

Tinatayang nagkakahalaga ang nakumpiskang droga ng ₱43,444,100. Isinailalim agad sa inquest proceedings ang pasahero dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon sa BOC, kahalintulad ito ng mga naunang modus kung saan itinatago ang cocaine sa lining at compartment ng bagahe para makalusot sa inspeksyon.

Noong Enero 22, may kapareho ring kaso sa NAIA T3 na nasabat ng mga awtoridad.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na patunay ito ng higpit ng pagbabantay sa mga paliparan laban sa ilegal na droga.

Dagdag naman ni District Collector Atty. Yasmin Mapa, mananatiling alerto ang mga opisyal ng Customs upang hindi magamit ng mga drug trafficker ang paliparan.

Patuloy ang pinaigting na operasyon ng BOC-NAIA katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno bilang suporta sa kampanya kontra ilegal na droga at para sa kaligtasan ng publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here