ILOCOS NORTE- Patay ang isang driver matapos pagtatagain ng kanyang bayaw dahil sa matagal na umanong alitan, kagabi sa bayan ng San Nicolas.
Kinilala ang biktimang si Pedro Teja, 51, at residente ng Sitio Tamurong Barangay 19, San Nicolas habang nadakip naman ang suspek at bayaw nitong si Efren Dumrique.
Batay sa report ng San Nicolas Police, bandang alas-8 ng gabi naganap ang krimen sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa bahay ng biktima at naungkat ang dating alitan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Dito, hinamon ng suspek ang biktima ng suntukan subalit hindi ito pinansin ng huli.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang suspek sa bahay ng biktima na may bitbit na itak at pinagtataga sa leeg at iba’t ibang parte ng katawan.
Sa kabila ng sugat na tinamo ay nagawang pang makakuha ng tubo ng biktima at hinataw niya ito sa suspek.
Humingi naman ng tulong sa mga awtoridad ang kaanak ng dalawa na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doctor.
Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek. Mary Anne Sapico