Home NATIONWIDE Tarriela sa mga botante: Pumili ng kandidatong naninindigan sa PH sovereignty

Tarriela sa mga botante: Pumili ng kandidatong naninindigan sa PH sovereignty

MANILA, Philippines- Nanawagan si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela sa mga Pilipinong botante na pumili ng mga kandidato sa darating na halalan na naninindigan sa soberanya ng bansa partikular sa territorial disputes sa West Philippine Sea.

Paalala ni Tarriela, siguruhing wala ni isa sa mga ibobotong senador, kongresista o maging local government unit executives ang pro-China dahil hindi aniya sila pro-Philippines.

“It will be very difficult for the AFP na magkaroon ng modernisasyon, mahihirapan ang PCG na mag-acquire ng kapabalidad, kung ie-elect natin sa Senado at Kongreso ay haharang sa ating budget dahil for them, ang West Philippine Sea is not a priority,” pahayag ni Tarriela.

Nilinaw ng opisyal na hindi siya sumusuporta sa sinumang partikular na kandidato o partido sa darating na midterm polls.

Gayunman, inulit ni Tarriela na dapat suportahan ng botante ang mga kandidato na umaayon sa mga claim ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.

Iginiit ni Tariiela na ang usapin ng WPS ay “intergenerational battle” na responsibilidad para sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino.

Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa maritime areas sa kanlurang bahagi ng Philippine archipelago kabilang ang Luzon Sea at ang mga katubigan sa paligid, sa loob at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc. Jocelyn Tabangcura-Domenden