Home METRO Driver na nakabundol sa babae sa EDSA bus lane nag-sorry

Driver na nakabundol sa babae sa EDSA bus lane nag-sorry

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines- Humingi ng paumanhin ang bus driver na nakabangga sa babae na ikinasawi nito sa EDSA bus lane nitong Martes.

Sa ulat, sinabi ng bus driver na hindi niya napansing tumatawid ang biktima sa bus lane sa Cubao, Quezon City.

“Hindi na po. Medyo traffic pa po dyan eh kaya natakpan siya ng mga sasakyan. Napansin ko nasa harapan na siya,” pahayag ng bus driver.

Inihayag din ng bus driver na hindi mabilis ang pagpapatakbo niya sa sasakyan.

“Kasi puno po ako ng pasahero. Pasenysa na po kayo. Hindi ko sinasadyan yun,” dagdag niya.

Tumama ang biktima sa kanang windshield ng bus.

Base sa Quezon City traffic sector, pinatatakbo ng bus driver ang sasakyan sa bilis na 30 kilometers per hour, subalit kailangan pa nilang rebyuhin ang CCTV footage.

Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng mga pulis ang bus driver at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Nagresulta rin ang aksidente sa paggamit ng ibang EDSA buses sa regular lanes, na nagdulot ng traffic sa loob ng mahigit isang oras.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na gamitin ang tamang pedestrian lanes dahil ipinagbabawal ang pagtawid sa EDSA busway. RNT/SA