Home METRO Driver ng SUV sa bank crash pinatawan ng 90-day suspension

Driver ng SUV sa bank crash pinatawan ng 90-day suspension

MANILA, Philippines- Pinatawan ng 90-araw na preventive suspension ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng motoristang sangkot sa pagbangga ng Sports Utility Vehicle (SUV) bank sa Quezon City noong Disyembre 28.

Ayon sa ulat nitong Martes, may inilabas na show-cause order ang LTO laban sa may-ari at driver ng SUV, na humihingi ng nakasulat at notarized na paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa aksidente.

“Ang pagkabigong humarap at magsumite ng notarized na affidavit sa nabanggit na oras, araw, at lugar ay dapat ipakahulugan bilang isang waiver na madinig at kokontrahin ang mga paratang laban sa iyo, na iniiwan ang Tanggapan na ito upang lutasin ang kaso sa administratibong paraan batay sa magagamit na mga rekord,” sabi ng SCO.

Ayon sa LTO, hiwalay ang kanilang imbestigasyon sa inilunsad na imbestigasyon ng Philippine National Police.

“Through our investigation, gusto nating malinawan kung ano ba talaga ang nangyari sa nakakalungkot na nangyari ito,” said LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II.

Magugunitang naganap ang insidente noong Disyembre 28 na humantong sa pagkamatay ng isang kliyente sa bangko at pagkasugat ng anim na kawani ng bangko, dalawa sa kanila ay nasa ospital pa rin.

Makikita sa kuha ng CCTV ng insidente ang paulit-ulit na pagrampa ng kotse sa full-staffed establishment.

Kaugnay nito, ang driver na kasalukuyang nahaharap sa maraming kaso, ay humingi ng tawad sa mga biktima.

“Nag-signal ‘yung guard na i-atras ko ‘yung sasakayan ko. Pagkatapos i-ganun ko, naatrasan pa. Hindi mapigilan ‘yung sasakyan,” ayon sa driver.

“Tapos lagay ko naman sa ano, dumerecho na naman. Hanggang gan’un. Dumerecho sa humps. Ngayon, pumasok pa sa loob hanggang sa naaksidente ‘yung mga tao sa loob. Naapakan ko ‘yung accelerator, umatras pero hindi mapigilan ‘yung sasakyan,” sinabi niya. Santi Celario

Previous article2 biktima ng human trafficking naharang ng BI
Next articleParak todas sa sariling baril!