Home METRO Driver utas sa mag-utol dahil sa titig

Driver utas sa mag-utol dahil sa titig

ILOILO CITY- Patay ang isang driver matapos pagtulungang barilin ng magkapatid dahil umano sa masamang titig ng una, iniulat kahapon sa bayan ng Pavia.

Kinilala ang biktimang si Wilmer Casquite Villarosa, nasa hustong gulang, tubong-Janiuay, Iloilo at stay-in driver ni Land Transportation Office (LTO)- Region 6 Director, Atty. Gaudioso Geduspan, sa Parc Regency Subdivision Barangay Ungka 2, Pavia.

Sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad, naharang sa Sara, Iloilo ang sasakyan ng magkapatid na suspek na sina Jester at Jessie Machinal, kapitbahay ng biktima sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Pavia Municipal Police Station, bandang alas-9:30 ng gabi noong Abril 3, 2025 naganap ang krimen sa labas ni Geduspan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa labas ng bahay ng kanyang amo ang biktima nang magkakatitigan sila ng isa sa mga suspek.

Dito, nilapitan ng mga suspek ang biktima at nang komprontahin hinggil sa masamang titigan ay nauwi sa mainitang pagtatalo.

Dito, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek gamit ang .9mm at pinagbabaril ang biktima sa katawan at hindi pa nakuntento ang kapatid ng suspek at bumunot din ito ng .22 kalibre at pinagbabaril ang biktima saka tumakas.

Nabatid, bago ang krimen ay mayroon na umanong hindi pagkakaunawaan ang mga suspek at ang amo ng biktima na si Geduspan na may kinalaman sa monthly dues ng mga homeowners sa subdivision noong naging presidente si Geduspan.

Posible umanong nadamay ang biktima sa galit ng mga suspek sa kanyang amo.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang magkapatid na Machinal. Mary Anne Sapico