COTABATO CITY- Patay ang mag-asawang negosyante ng gulay matapos barilin ng mga hindi pa kilalang holdaper, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga biktimang sina Almaira Mendoza, Sangkad, 48, at mister nitong si Bobong Arab Sangkad, 48, vendor sa Mega Market, MB Poblacion at residente ng Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Batay sa report ng Cotabato City Police Office Station 1, bandang alas-3:48 ng hapon naganap ang krimen sa malapit sa bus terminal sa Jose Lim, Sr. Street, Brgy. Poblacion 5, ng nasabing lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-asawa ng kanilang payong-payong pauwi sa kanilang tahanan nang harangin sila ng mga suspek at hinablot ang dala nilang sling bag.
Nanlaban ang mag-asawa at tumangging ibigay ang dala nilang bag na may lamang pera, mga alahas at cellphone.
Dito, binaril ng mga suspek ang mag-asawa sa ulo at mukha na agad ikinasawi ni Almaira habang isinugod naman sa ospital si Bobong para lapatan ng lunas subalit makalipas ang ilang oras ay nalagutan din ng hininga.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya sa krimen at mayroon na din silang persons of interest. Mary Anne Sapico