MANILA, Philippines – Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng suspek sa pamamaril sa isang motorista sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang mga kasong administratibo laban kay Gerrard Raymund Yu ay Reckless Driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act 4136 in connection to I-E of Joint Administrative Order 2014-01; at Hindi Wastong Taong Magpapatakbo ng Sasakyan ng Motor sa ilalim ng Seksyon 27(a) ng RA 4136—na may pinakamataas na parusa ng pagkansela ng lisensya sa pagmamaneho.
“Nag-isyu na kami ng Show Cause Order laban sa kanya at dahil nasa kustodiya na siya ng pulisya para sa isang kaso na non-bailable, inutusan siyang magsumite ng notarized affidavit kung bakit hindi siya dapat parusahan,” ani Assec. Mendoza.
Nauna nang nag-utos si Mendoza ng imbestigasyon sa insidente matapos humingi ng tulong sa LTO ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang rehistradong may-ari ng isang itim na Mercedes Benz na ang driver ay na-tag bilang siyang bumaril sa 65-anyos na si Aniceto Mateo dahil sa road rage sa Makati noong Martes ng hapon.
Kaugnay nito bilang tugon, naglabas ng SCO si LTO-National Capital Region Police Regional Director Roque Verzosa III laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan sa Las Piñas City. Nauwi ito sa operasyon ng pulisya sa Las Piñas City at napag-alamang hindi pala ang rehistradong may-ari ang driver.
Kalaunan ay natunton ng mga imbestigador ng pulisya si Yu sa kanyang bahay sa Pasig City kung saan siya inaresto at kung saan natagpuan ang Mercedes Benz kasama ang dalawang baril, isa sa mga ito ay tumugma sa bala na ikinamatay ni Mateo.
Sinabi ni Assec Mendoza na hihilingin sa rehistradong may-ari na ipaliwanag kung bakit si Yu ang nagmamaneho ng itim na Mercedes Benz.
Idinagdag niya na parehong hihilingin sa rehistradong may-ari at kay Yu na ipaliwanag kung bakit may dalawang plaka na nasamsam sa operasyon— ang isa ay berdeng plakang BCS77 at ang isa ay isang puting plakang DAB 9670 na siyang naka-install sa kotse nang arestuhin ng mga pulis si Yu.
“Lahat ito ay bahagi ng due process. Ang mahalaga dito ay nagpadala ito ng malakas na mensahe na nagtutulungan ang PNP at LTO para matugunan ang ganitong uri ng krimen,” ani Assec Mendoza.
“Kaya muli nating pinapa-alalahanan ang ating mga kababayan na magbaon ng nakaparaming paasensya sa kalsada dahil walang naidudulot na Mabuti ang init ng ulo,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Mendoza na ipinaalam na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista ang mga aksyon ng LTO sa kasong ito. Santi Celario