Home NATIONWIDE Zubiri magbabakasyon muna, iwas sa ‘hudasan sa pulitika’

Zubiri magbabakasyon muna, iwas sa ‘hudasan sa pulitika’

MANILA, Philippines – Nakatakdang magbakasyon si dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa susunod na tatlong linggo kasama ang pamilya upang makaiwas sa sinasabi nitong “nasty backstabbing” sa pulitika.

Matatandaan na pinatalsik si Zubiri bilang lider ng Senado matapos mabigong pigilan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na iimbestigahan ang PDEA leaks na nagsasangkot kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa droga kasama si Maricel Soriano.

Sa ginanap na botohan nitong Lunes, tanging anim na senador lamang ang kumampi kay Zubiri kasama sina Senador Nancy Binay, Sonny Angara, Loren Legarda, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian at Joel Villanueva.

Ngunit, hindi lumahok si Dela Rosa sa itinuturing na “Solid 7” ni Binay dahil lumagda ito sa resolusyon na nagpapatalsik kay Zubiri kapalit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, kaya itinuring nila itong “hudas” sa grupo.

“Magbabakasyon muna ako kasama ng aking pamilya. I think they deserve my undivided attention at this point in time, at no cost to the government po. It’s all personal yung aking pagbiyahe kasama ng aking pamilya,” ayon kay Zubiri.

“Konting me time, konting emotional and mental break from all the politics and the nasty backstabbing na nangyayari dito sa pulitika natin sa Pilipinas, “ giit niya.

Nagbakasyon ang Senado nitong Miyerkules, Mayo 22, sa sine die na pormal na nagsasara sa second regular session ng 19th Congress.

Sa kanyang privileged speech nitong Lunes, inamin ni Zubiri na lubha siyang nalungkot o nasaktan sa pangyayari dahil hindi nito sinunod ang “powers that be.”

Lubhang ikinagulat din ni Zubiri matapos matuklasan na isa si Dela Rosa sa sumuporta kay Escudero upang patalsikin siya sa puwesto. Si Dela Rosa ang nanguna sa imbestigsyon ng PDEA leaks.

Kahit nagbitiw sa tungkulin bilang senate president, pinuri pa nito si Dela Rosa sa paglagda sa resolusyon.

“Okay naman. I’m very happy. Medyo mas relaxed. Siyempre, malaking dagok ang natanggal sa aking likod. We’re just looking forward to the next year or so to be able to pass legislation that is good for the people,” ayon kay Zubiri.

Pagkatapos ng bakasyon, nakatakda nitong pulungin ang “Solid 7” na hinihinalang mabibiyak dahil apat lamang ang nakatakdang sumanib sa minorya matapos matuklasan na dumalo sina Gatchalian at Legarda sa hapunan na inihandog ng Palasyo matapos ang kudeta na nagluklok kay Escudero. Ernie Reyes