Home METRO Drogang ipupuslit sa Taguig jail buking sa bebot!

Drogang ipupuslit sa Taguig jail buking sa bebot!

MANILA, Philippines- Swak sa selda ang isang bisita sa kulungan matapos mabuking ang ilegal na drogang itinago sa zipper ng kanyang pantalon.

Bibisitahin lamang sana ng 31-anyos na babae ang kanyang kinakasamang nakaditene sa Metro Manila District Jail Annex 2 sa Taguig City nitong Sabado nang madiskubre ang tangka niyang pagpuslit ng 18.5 gramo ng hinihinalang shabu.

Nakakulong ang kanyang kinakasama sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa drug charges.

“Sinamantala nila ang bugso ng dalaw ngayong Semana Santa. Akala nila ay magiging magaan ang ginagawa nating protocol sa mga pumapasok na bisita ngunit sa ganitong okasyon, mas mahigpit ang BJMP personnel natin,” pahayag ni jail warden J/Inspector JM Sabeniano.

“Nung kinakapkapan ko na po ‘yung pantalon, doon ko po naramdaman may nakaumbok po dun po sa may ano po ng pantalon,” ayon sa alert security screener na nakatuklas sa pagtatangka ng babae.

Dahil dito, gumamit ang gwardiya ng gunting upang gupitin ang kanyang pantalon kung saan natuklasan ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu, na mahigit 28 gramo umano at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P125,000.

“Dahil sa pagiging alerto ng ating searcher, napansin at na-kapa na may kakaibang nakaumbok sa bandang zipper area ng pantalon. Kaduda duda din ang ginawang pagtahi dito kaya noong binuksan may mga sachets tayong natagpuan,” wika ni Sabeniano.

Nahaharap ang suspek, na dinala na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Taguig City Substation 10, sa kasong possession of dangerous drugs.

“In-open ko po kasi nakatahi po siya, pag-open ko po, pagsilip ko pong ganon, ano po, meron po siyang white crystalline po,” anang opisyal.

“Sabi ko ‘Ano ‘yan?’ ‘Inutusan lang po ako’ sabi niya, na dalhin daw po ‘yun sa jail,” dagdag niya.

Hindi naman pinayagan ng mga pulis na kapanayamin ng media ang suspek.

“Hindi natin itoterate at siguradong ipapakulong natin ang sino man na magtatangka ulit magpuslit ng droga sa ating kulungan,” giit ni Sabeniano. RNT/SA

Previous articleClau, pumalag sa ‘retoke’ comment!
Next article14 ligtas sa tumaob na bangka sa Quezon