MANILA, Philippines – Sa kabila nang pagkadamay ng ilang inosenteng menor de edad, muling ipinagtanggol ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang inilunsad na drug war ng Duterte administration upang sagipin umano ang kabataan laban sa droga iwasan na maging “narco state” ang Pilipinas.
Sa kanyang pag-iikot sa ilang panig ng bansa, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na naglunsad ng Operation Tokhang, na walang ibang layunin ng drug war kundi supilin ang pagkakalat ng droga sa bansa.
“Kami ni Pangulo Duterte, ni-launch namin ang war on drugs hindi para kami yumaman, hindi para kami magkaka-pera. Ginawa namin ni Pangulo Duterte ang war on drugs para maisalba ang kabataan sa problema ng illegal na droga. ‘Yan po ang katotohan,” ayon kay Dela Rosa.
“Pangalawang rason bakit namin ni-launch yun ay para mapigilan ang pagiging narco-state ng Pilipinas,” dagdag ng senador.
Aniya, bago siya naging senador, at naging presidente si Duterte, nakita nila na may lalawigan na kontrolado ng drug lords. Hindi nito binanggit ang lalawigan na tinutukoy niya.
“Yung mga drug lords na ang sasabi kung sino pwede maging gobernador, sino pwede magiging congressman, sino pwede maging mayor. Ganoon na po sila kapowerful dahil grabe ang kanilang resources, grabe ang pera nila,” aniya.
Base sa government records, umabot sa 6,000 drugs suspects ang napatay sa drug war.
Ngunit, naitala naman ng ilang human rights groups na aabot sa mahigit 30,000 ang napatay kabilang si Kian Delos Santos, isang 17 taong gulang na estudyante na pinatay ng pulis ng Caloocan City noong 2017 kapalit na sinasabing rewards system. Ernie Reyes