Bulacan – Patay ang isang senglot na pumatay sa kanyang kainuman matapos sugurin ng saksak ang mga rumespondeng pulis sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Rigor” habang ang biktimang napatay ay si Ian, ,36 at ang sugatang kasama ay si Lorenzo, 59 kapwa residente ng Brgy. San Pedro.
Sa report ng SJDM police station, isang tawag ang kanilang natanggap tungkol nangyaring pananaksak bandang 3:30 ng madaling nitong Pebrero 26 sa Brgy. San Pedro kaya agad silang rumesponde sa lugar.
Nang makarating sila sa lugar ay tumambad ang duguang biktimang tadtad ng saksak na nakahandusay at wala ng buhay habang ang suspek ay patuloy na inuundyan ng saksak ang isa pang biktimang si Loren na nagtamo rin ng mga sugat.
Ayon pa sa report, nang makita rin ng suspek ang mga paparating na pulis ay kanyang sinugod at inundayan ng kutsilyo kaya pinaputukan siya ng isa sa opisyal na kanyang ikinabuwal.
Agad dinala si Loren at ang isang pulis na may ranggong patrolman na nagtamo ng minor injuries sa kanyang kamay at braso sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas habang dead on arrival ang suspek na dinala rin sa pagamutan.
Sinasabing mula sa masayang inuman ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa nauwi sa saksakan. Dick Mirasol III