Home NATIONWIDE Estudyante namatay sa basketball BONG GO: ER SYSTEM SA MGA ISKUL, DAPAT...

Estudyante namatay sa basketball BONG GO: ER SYSTEM SA MGA ISKUL, DAPAT AYUSIN

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga paaralan na palakasin ang kanilang emergency response system kasunod ng pagkamatay ng isang senior high school student sa Marikina City matapos mag-collapse sa larong basketball upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.

Binigyang-diin ni Go, chairperson ng Senate committees on health, on youth, and on sports, na mahalaga ang pagkakaroon ng well-trained medical personnel at naaangkop na emergency protocols, lalo sa mga event sa paaralan na may kinalaman sa matinding pisikal na aktibidad.

“Hindi biro ang buhay ng bawat estudyante. Kapag may nangyaring ganito, hindi puwedeng huli na ang tulong. Dapat sigurado tayo na may sapat na emergency response system ang bawat paaralan,” sabi ni Go.

Si Shann Mikhail Estaquio, 23, isang Grade 11 student ng Our Lady of Perpetual Succor College (OLOPSC)-Marikina, ay nag-collapse sa larong basketball noong Pebrero 22.

Lumabas sa viral video na ang estudyante ay nagkikikisay habang ang mga school medical personnel ay nagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), isang paraan na improper sa seizure cases, ayon sa ilang medical professionals.

Kinumpirma ng paaralan na isinugod sa ospital si Estaquio ngunit idineklarang patay, dakong alas-11:06 ng umaga.

Binigyang-diin ni Go na ang mga paaralan ay dapat magkaroon ng maayos na medical staff at sapat na pasilidad sa pagtugon sa mga emergency.

Nauna rito, nanawagan din si Senator Go para sa pagpapabuti ng grassroots sports development kasunod ng viral video ng high school athlete na si Donnie Ray “Boyd” Llavore na nagsagawa ng high jump pero walang maayos na kagamitan sa landing sa Maguindanao del Norte. Bumagsak lamang sa lupa ang atleta na una ang likod at nagdulot sa kanya ng hirap sa paghinga.

“Dapat may maayos na training ang school medical personnel. Hindi puwedeng trial-and-error sa ganitong sitwasyon. Kung may tamang kaalaman at tamang gamit, mas maraming buhay ang masasalba,” ayon kay Go.

Nanawagan din si Go sa mga may kinalamang ahensya ng gobyerno na suriin ang mga protocol sa kaligtasan sa mga paaralan at tiyaking sumusunod ang mga institusyon sa mga pamantayan sa paghahanda sa medikal.

“Siguraduhin nating walang pamilyang magluluksa dahil sa kapabayaan. Hindi na natin maibabalik ang buhay ng isang estudyanteng puno ng pangarap, pero kaya nating siguraduhin na wala nang susunod,” sabi ni Go. RNT