MANILA, Philippines – ITINUTURING ng Malakanyang na ‘unacceptable” approach sa anumang gobyerno ang kontrobersiyal na drug war policy na ikinasa ni dating Pangulong Rodrigo “Digong ” Roa Duterte.
“Hindi siya dapat polisiya ng isang gobyerno in the first place. It’s against the law,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Kinuwestiyon ni Castro ang pagiging epektibo ng drug war ni Digong Duterte mula sa malawak na ‘societal perspective’, tinukoy ang malubhang kahihinatnan para sa mga biktima at kanilang pamilya.
Binigyang diin din nito na ang pagpatay, partikular na ang walang due process, ay paglabag sa batas.
“Killing is against the law. Wala nga tayong death penalty sa Pilipinas, uunahan mo pa na patayin. Ang masama wala pang hearing,” aniya pa rin.
“Kung may natulong sa iba, paano naman yung namatayan?” ang inihayag ni Castro, kinuwestiyon ang tagumpay ng polisiya na nagbalewala sa buhay ng mga apektado ng extrajudicial killings.
Sa kabilang dako, ang war on drugs ay inulan ng pagpuna matapos simulan ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa posibleng ‘crimes against humanity’ partikular na ang extrajudicial killings, di umano’y ginawa ng mga awtoridad sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sinabi pa ni Castro na may karapatan ang mga biktima ng drug-related crimes na ituloy ang legal action, binigyang diin ni Castro na ang approach ni Digong Duterte ay hindi polisiya na dapat sundin.
“Kung merong mga nabiktima itong mga drug users, then the victim can file cases against those drug users. Pero hindi natin matatanggap na polisiya na siya na dapat sundin ng isang gobyerno,” ang sinabi pa rin ni Castro. Kris Jose