Home NATIONWIDE Drug war victims puwede pa ring sumali sa ICC trial vs Duterte...

Drug war victims puwede pa ring sumali sa ICC trial vs Duterte — abogado

271
0

MANILA, Philippines – Maaari pa ring mag-apply ang mga biktima ng drug war para makilahok sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit nagsimula na ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC), ayon sa isang abogado nitong Lunes, Agosto 25.

“Even after ng pre-trial, kahit na ongoing na ‘yung trial, puwede pa rin mag-apply for participation ‘yung mga victims. Ongoing ‘yan,” pahayag ni Atty. Joel Butuyan, isang ICC-accredited lawyer, sa panayam ng DZBB.

Paliwanag niya, ang pangunahing yugto kung saan ganap na makakalahok ang mga biktima ay sa reparation stage o kapag napatunayang guilty ang akusado at pinag-uusapan na ang danyos na ipagkakaloob sa kanila.

Batay sa Registry Report on Group C Applications for Victim Participation in Pre-Trial Proceedings, nasa 303 biktima ang naghain ng aplikasyon para makilahok sa pre-trial ng kaso laban kay Duterte. Ang mga aplikante at kanilang kinatawan ay hinati sa Groups A, B, at C.

Ayon kay Butuyan, mas mataas ang tsansang makapasa ang mga nasa Groups A at B.

“Ito ‘yung mga mas may kumpyansa ‘yung VPRS (Victims Participation and Reparations Section) na ma-qualify. Pero ang final decision ay ‘yung pre-trial chamber,” aniya.

Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague.

Nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025, kung saan magpapasya ang pre-trial chamber kung itutuloy sa trial ang kaso, ibabalik para muling imbestigahan, o tuluyang ibabasura.

Ayon sa opisyal na tala ng gobyerno, mahigit 6,000 drug suspects ang napatay sa mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng war on drugs. Ngunit tinatayang umabot sa 30,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi ayon sa mga human rights groups dahil sa mga hindi naitalang insidente. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here