MAHIGIT 3 milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang may bagong pag-asa para sa kanilang kinabukasan!
Pormal nang pinalalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Social Security System (SSS) ang “4Ps AlkanSSSya Program.” Layunin nito na magkaroon ng matibay at pangmatagalang proteksyong pinansiyal ang mga pamilyang kabilang sa informal sector at miyembro ng Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs).
IPON NA, PENSION PA!
Ayon kay 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya, hindi na lang basta cash assistance ang 4Ps. Sa tulong ng AlkanSSSya, tinuturuan ang mga benepisyaryo na magkaroon ng disiplina sa pag-iipon, maliit man o malaki, basta regular.
Ang ipon na ito ang gagamiting pambayad sa kanilang SSS contributions.
Sa halagang hindi lalampas sa Php760 kada buwan (batay sa 2025 guidelines), pasok na sila bilang voluntary SSS members!
ANO ANG MAKUKUHA NILA?
Sa sandaling maging miyembro, hindi na basta “asa” sa ayuda ang mga pamilya. Garantisadong makakakuha sila ng mga sumusunod na benepisyo:
* Retirement Benefit (Para sa masayang pagtanda)
* Disability Benefit (Saklolo sa oras ng kapansanan)
* Sickness at Maternity Benefits (Proteksyon sa kalusugan at panganganak)
* Funeral at Death Benefits (Tulong sa oras ng pagpanaw)
PILOT LAUNCH, MATAGUMPAY!
Matapos ang matagumpay na pilot implementation sa Metro Manila noong Mayo 2025, pormal nang dinala ang programa sa La Union noong March 25, 2026. Ang 47 miyembro ng Tabtabungao 4Ps United Association sa Rosario, La Union ang unang nakinabang sa rehiyon.
Sunod na target ng DSWD ang pagpapalawak ng programa sa:
* Cagayan Valley (Region 2)
* Cordillera Administrative Region (CAR)
* Eastern Visayas (Region 8)
* Northern Mindanao (Region 10)
DIREKTIBA NI PANGULONG MARCOS
Bahagi ito ng direktiba ng administrasyong Marcos na gawing instrumento ang 4Ps tungo sa tunay na financial inclusion. Layunin ng programa na hubugin ang mga pamilyang 4Ps na maging SSS pensioners sa hinaharap, upang sa pagtatapos ng kanilang pagiging benepisyaryo, sila ay mayroon nang sariling “safety net” at hindi na muling babalik sa kahirapan.






