Home NATIONWIDE DSWD ang tanging tagapagpatupad ng AKAP – Sec. Gatchalian

DSWD ang tanging tagapagpatupad ng AKAP – Sec. Gatchalian

MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na DSWD lang ang tanging tagapagpatupad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

“Iyong buong amount na Php26 billion, lahat yan ay DSWD ang magpapatupad, hindi po ang mga pulitiko, hindi po ang mga public servants natin. Pondo ‘yan ng DSWD. Lahat yan ay dadaan sa masusing pag-aaral, bawat sentimo, ng social workers natin,” sabi ni Secretary Gatchalian sa panayam. 

Nauna rito, nitong nakaraang Miyerkules (December 11) ay inaprubahan ng bicameral conference committee ang  2025 national budget kung saan kasama rito ang restoration ng P26 bilyong AKAP allocation.

Kasabay nito, nilinaw ni Secretary Gatchalian na ang potential beneficiaries ng AKAP ay masusing dumaraan sa assessment ng social workers ng ahensya, bago makatanggap ang beneficiaries ng tulong pinansyal.

“Tulad ng ipinaliwanag ko kanina, everything goes to a social worker’s case intake. Iniisa-isa nila yan,” paliwanag ng DSWD chief.

Ayon pa sa Kalihim, ang AKAP ay iba sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) pagdating sa beneficiaries at objectives ng programa.

Dagdag pa niya, “Ang 4Ps ay para sa mga no income. Ang beneficiaries natin sa 4Ps ay the poorest of the poor. Pangalawa, and 4Ps ay recurring, buwan-buwan at may conditions.”

Ang AKAP ay nagbibigay ng one-time cash assistance sa eligible beneficiaries na nabibilang sa low wage earners. Santi Celario