Home METRO Taiwanese na miyembro ng notoryus syndicate arestado sa high-powered firearms sa Makati

Taiwanese na miyembro ng notoryus syndicate arestado sa high-powered firearms sa Makati

MANILA, Philippines- May kabuuang 85 high-powered firearms, kabilang ang assault rifles at machine guns, ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa isang Taiwanese national na umano’y miyembro ng isang notoryus na sindikatong nakabase sa Taiwan, sa Makati City nitong Huwebes.

Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang suspek na si alyas “Zhang” at “Ming,” 50, isang negosyante.

Nadakip si Zhang/Ming sa loob ng isang mall sa lungsod ng Station Intelligence Section ng Makati City Police Station, sa pakikipagtulungan sa CIDG-NCR at Makati City Police Substation 5, kasunod ng pagsisilbi ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Eugene Conti Paras, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 58, Makati City.

Inisyu ang warrant noong July 4, 2023 para sa kaso sa ilalim ng Criminal Case No. 23-01703-05, na may inirekomendang piyansa na P200,000 para sa Section 28 (b), P80,000.00 para sa Section 28 (f), at P100,000.00 para sa Section 28 (h) ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Nagresulta ang pagsisiyasat na pinayagan ni Judge Rico Sebastian Liwanag ng Makati City, sa pagkakasamsam ng mga baril, kabilang ang 53 revolvers, 13 5.56mm assault rifles, 12 pistols, anim na folding machine guns, isang FN P90 sub-machine gun, gun kit, daan-daang rounds of ammunition, assorted magazines, tatlong suppressors, at apat na pistol barrels.

Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano ang suspek sa mga ilegal na aktibidad tulad ng produksyon ng illegal narcotics, telecom fraud operations, at iba pang criminal enterprises sa Pilipinas.

Noong Marso 2023, nagsagawa ng search warrant operation ang CIDG operatives sa apartment ng suspek, subalit hindi nila ito nahuli. Gayunman, sinabi ng mga pulis na apat pang undocumented immigrants ang naaresto.

Kasalukuyang nakaditine ang suspek sa Makati City Custodial Facility. RNT/SA