MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Quezon City RTC sa dating anti-insurgency task force spokesperson Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz na bayaran ang broadcast journalist na si Atom Araullo ng P2 milyon bilang multa dahil sa dahil sa pag-uugnay sa kanyang pamilya sa mga komunistang rebelde.
Sa 27-pahinang desisyon ni Quezon City RTC Branch 306 Judge Dolly Rose Bolante-Prado, napatunayang guilty sina Badoy at Celiz sa pag-abuso sa karapatan sa malayang pamamahayag o free speech dahil sa pagred-tag sa pamilya Araullo.
Binigyan-diin ng korte na ang right to free speech ay hindi itinuturing na absolute dahil meron itong limitasyon upang masiguro na hindi matatapakan ang karaparan ng iba.
“It does not protect defamatory statements,” iginiit sa desisyon ng korte.
Ang mga pahayag nina Badoy at Celiz ay upang masira umano ang reputasyon at kredibilidad ni Araullo sa pamamagitan ng pag-uugnay sa kanya sa CPP-NPA-NDF nang walang ebidensya.
Dahil sa ginawang red-tagging sa mga Araullo, nagambala ang relasyon ng pamilya at nalagay sa kahihiyan si Atom at ang ina nitong si Carol Araullo.
Nakitaan din ng korte ang lahat ng elemento ng kasong defamation dahil ang mga naging pahayag nina Badoy at Celiz laban sa pamilya Araullo ay naka-broadcast.
Nabatid na naging sentro ng “red-tagging spree” si Araullo at kanyang ina na si Carol mula noong unang bahagi ng 2022 hanggang Enero 2023.
Tinawag si Araullo na “spawn” ng “active CPP Central Committee leader.”
Pinalabas din umano si Araullo na may pakana ng mga pag-atake sa gobyerno, miyembro ng communist party, at gumagawa ng mga content na nakalinya sa propaganda ng Communist Party of the Philippines-National People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa tweet, sinabi ni Araullo na ang kanyang reklamo ay bunsod ng mga akusasyon at pag-atake sa kanya at sa kanyang pamilya na kagagawan umano nina Badoy at Celiz sa programa ng Sonshine Media Network International (SMNI) at iba pang social media platforms.
Sinabi ni Araullo na ang inihain niyang reklamo ay hindi lang para sa kapakanan ng kanyang pamilya, kung hindi para ipagtanggol din ang kalayaan sa pamamahayag.
Bagama’t hindi pa raw siya maghahain ng kasong kriminal “sa ngayon,” sinabi ng broadcast journalist na dapat managot ang mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon. Teresa Tavares