MANILA, Philippines- Hinihikayat ang mga Pilipinong ilegal na nananatili sa South Korea na samantalahin ang extended special voluntary departure program para sa foreign nationals na inanunsyo kamakailan ng Ministry of Justice (MOJ) ng bansa.
Sinabi ng Philippine Embassy sa Seoul, sa isang Facebook post noong Dec. 12, na binibigyan ang undocumented foreign nationals na nananatili sa South Korea ng hanggang Jan. 31, 2025 para boluntaryong umalis sa bansa.
“Ayon sa MOJ, ang mga dayuhang hindi na dokumentado na naninirahan sa South Korea na boluntaryong aalis sa araw ng o bago mag 31 Enero 2025 ay bibigyan ng: 1) “fine exemption o hindi pagbabayarin ng multa; at 2) “suspension of re-entry restrictions” o hindi mailalagay sa “black list” o listahan ng mga taong ipinagbabawal na pumasok sa South Korea sa loob ng nasabing programa,” saad sa post.
Hinimok ng embahada ang lahat ng Pilipino na laging magkaroon ng legal status ng pananatili habang nagtatrabaho o naninirahan sa labas ng Pilipinas upang masiguro ang kanilang kaligtasan at personal na kapakanan.
Kabilang dito ang pagpapanatiling legal at valid sa kanilang pasaporte at iba pang dokumento.
Sinimulan ng MOJ ang implementasyon ng special voluntary departure program mula Sept. 30 hanggang Nov. 30, 2024.
Para sa karagdagang detalye sa programa, maaaring kontakin ng mga aplikante ang Immigration Contact Center sa 1345 at piliin ang Filipino mula sa foreign languages na available, o bisitahin ang HiKorea (http://www.hikorea.go.kr) at Korea Immigration Service (http://www.immigration.go.kr) websites. RNT/SA