Manila, Philippines — Sa pinakabagong survey ng Tangere na isinagawa noong Abril 21–22, 2025, nanguna si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon “Rex” Gatchalian bilang may pinakamataas na satisfaction rating sa mga miyembro ng gabinete ng administrasyong Marcos, na may 59.4%.
Ang mataas na marka ni Gatchalian ay ikinabit sa paglabas ng programang AKAP (Ayuda para sa Kapos ang Kita Program), na layong bigyang ayuda ang mga low-income earners. Malaking bahagi ng kanyang suporta ay galing sa mga nasa socioeconomic classes D at E, ayon sa datos.
Pumangalawa sa survey si Education Secretary Sonny Angara na may 58.1%, kasunod si Tourism Secretary Vivencio “Vince” Dizon na may 56.8%. Nakita ng publiko ang positibong epekto ng pamumuno ni Angara sa edukasyon at ang pagsusumikap ni Dizon na buhayin muli ang sektor ng turismo matapos ang pandemya.
Pumwesto rin sa top 5 sina Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr. (55.5%) at Migrant Workers Secretary Hans Cacdac (55.0%). Ipinapakita nito ang pagpapahalaga ng publiko sa agham at teknolohiya, pati na rin sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa Tangere, tugma ang mga resulta sa mga naunang buwan kung saan ang mga kagawaran na may direktang epekto sa kapakanan ng mamamayan—tulad ng social welfare, edukasyon, at trabaho—ang may pinakamataas na tiwala at kasiyahan mula sa publiko.
Ang non-commissioned survey ay isinagawa gamit ang mobile application, na may 2,400 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Gumamit ito ng stratified random sampling para sa balanseng representasyon: 12% mula NCR, 23% Northern Luzon, 22% Southern Luzon, 20% Visayas, at 23% Mindanao. May margin of error ito na ±1.96% sa 95% confidence level.
Ang Tangere ay isang kinikilalang kumpanya sa larangan ng teknolohiya at opinion polling sa bansa, at rehistrado sa Commission on Elections (COMELEC). Miyembro rin ito ng Marketing and Opinion Research Society of the Philippines (MORES) at ng Philippine Marketing Association (PMA).
Ang resulta ng survey ay nagpapakita ng mataas na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga programang panlipunan na may agarang epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay. RNT