Home OPINION SINDIKATONG ISKALAWAG NA PULIS NAKATATAKOT

SINDIKATONG ISKALAWAG NA PULIS NAKATATAKOT

DAPAT talagang linisin ang pulisya sa mga iskalawag na pulis na na lumilikha na ng labis na takot maging sa buong pulisya na may tatak pa namang “To Serve and Protect” ang mga mamamayan.

Nakatatakot dahil gamit nila ang uniporme, baril at tsapa sa paggawa ng krimen at pagkatapos, babaligtarin pa nila ang sitwasyon sa pagpapalitaw na ang mga biktima ang kriminal.

Halimbawa na lang ang mga tauhan ni Criminal Investigation and Detection Group General Nicolas Torre na binubuo ng isang police lieutenant colonel, isang major at apat na sergeant, isang corporal at tatlong patrolman.

Noong Pebrero 17, 2025, may mga kinidnap sila sa First Tondo Complex, Tondo, Manila, dinala sa kanilang opisina sa CIDG-SDFU Office, Lawton Avenue, Taguig City at pinaratangang nag-iingat ng mga iligal na baril.

Unang humingi sila ng P100 milyon na kapalit ng paglaya ng mga biktima ngunit natawaran ito sa P18M.

Pagkatapos, inilipat sila sa isang lugar na may mga baril at ipinaturo ang mga ito na iyon ang mga nakumpiska sa kanila at pagkatapos nito, humingi pa sila ng dagdag.

Ngayon kinasuhan na ang mga ito ng kidnapping, robbery-extortion at planting evidence, kasabay ng pagtanggal ng kanilang baril, uniporme at tsapa.

Hindi nagtagal, walong pulis din ng Eastern Police District ang kumidnap at nagnakaw ng P85M na cash, alahas, gadget at iba pa mula sa isang Tsinoy sa Las Piñas City noong Abril 2, 2025.

Nagdala ang mga ito ng bogus na warrant of arrest para mang-aresto ngunit mangulimbat lang pala ang tunay na pakay.

Ang palusot ng mga dating sinibak sa Mandaluyong Police dahil sa mga kasong extortion-robbery, sinuhulan sila ng P12M ng suspek para sa paglaya nito.

Tulad ng mga taong CIDG, nakakulong na rin ang mga ito at kinasuhan ng kidnapping at two counts ng robbery.

Omaygad, kailan makalalaya ang mga mamamayan sa mga iskalawag na pulis?