Home OPINION DSWD, MGA NAGPAPANGGAP NA PWD BINATIKOS, NAGBABALA LABAN SA PANLOLOKO

DSWD, MGA NAGPAPANGGAP NA PWD BINATIKOS, NAGBABALA LABAN SA PANLOLOKO

144
0

Mariing binatikos at kinondena ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga indibidwal na gu­magamit ng pekeng kapansanan o nagpapanggap na Persons with Disabilities (PWD) upang makakuha ng mga benepisyo at pribilehiyong hindi naman para sa kanila.

Ayon sa kagawaran, ang ga­nitong uri ng panloloko ay hindi lamang isang paglabag sa ba­tas, kundi isang malinaw na ka­walan ng respeto sa dangal at karapatan ng mga tunay na may kapansanan.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ang mapanlinlang na gawaing ito ay direktang nakakasira sa layunin ng pamahalaan na bumuo ng isang inklusibong lipunan. Binigyang-diin niya na ang mga prog­rama at pasilidad na nakalaan para sa PWD ay idinisenyo para magbigay ng proteksyon at pantay na pagkakataon.

Kapag inabuso ang mga ito ng mga taong walang tunay na pangangailangan, nababawasan ang pagiging epektibo ng mga ser­bisyong para sana sa mga nangangailangan.

Ang babalang ito ay inilabas matapos mag-viral sa social media ang isang video mula sa TikTok user na si @naughty.perry. Sa nasabing video, ipinakita ang umano’y pagpapanggap ng isang netizen na may kapansa­nan ­para makakuha ng priority access sa Manila Light Rail Transit Line 1 (LRT-1). Ang insidenteng ito ay umani ng matinding batikos mula ­sa publiko na itinuring ang aks-yon bilang pagmamaliit sa hirap na dinaranas ng mga tunay na PWD sa araw-araw na pagbiyahe.

Suportado rin ng DSWD ang National Council on Disabi­lity Affairs (NCDA) sa panawagan ni­tong itigil ang ganitong mga kasanayan. Ipinaalala ng kagawaran na sa ilalim ng Republic Act No. 7277 (Magna Carta for Disab­led Persons), ginagarantiyahan ang isang “barrier-free environment.” Obligasyon ng mga pampubliko at pribadong establisimyen­to na magbigay ng reasonable accommodations — tulad ng pag­sasaayos ng pasilidad at prio­rity lanes — upang masiguro ang ka­ligtasan at ginhawa ng mga vulnerable sectors kabilang ang mga PWD, senior citizens, at mga buntis.

Sa huli, hinimok ng DSWD ang publiko na maging mapagmatyag at maging kaisa sa pagprotekta sa integridad ng mga batas para sa PWD.

Pinaalalahanan ang lahat na ang anomang anyo ng pang-aabuso o iligal na paggamit ng mga pribilehiyo ay maaaring iulat sa NCDA upang mabigyan ng kaukulang aksyong ligal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here