MANILA, Philippines – Nagbibigay ng suporta ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa pamamagitan ng libreng pagkain sa Walang Gutom Kitchen (WGK) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao noong Biyernes, layunin ng programa na matulungan ang mga drayber na maapektuhan ng pagtaas ng oil prices.
“Alam namin ang bigat ng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa ating mga PUV drivers. Sa pamamagitan ng Walang Gutom Kitchen, nais naming matiyak na may sapat at masustansyang pagkain silang makakain araw-araw,” ani Dumlao.
Maaaring makakuha ang mga PUV drivers ng libreng almusal tuwing 6 a.m. at tanghalian tuwing 11 a.m., mula Lunes hanggang Linggo.
Kabilang sa mga inihahandang pagkain ay fried rice, tuyo at itlog na may patatas para sa almusal, at kanin, pritong manok at gulay para sa tanghalian.
Bagama’t para sana ito sa mga taong nakararanas ng gutom, bukas din ang WGK para sa mga PUV drivers na apektado ng taas-presyo ng gasolina.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng whole-of-government approach sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matulungan ang mga apektadong sektor.
Ang Walang Gutom Kitchen ay isang programa ng DSWD na gumagamit ng donasyong pagkain mula sa hotels, restaurants, at iba pang organisasyon upang gawing mainit na pagkain para sa mga nangangailangan, habang binabawasan din ang food waste.
Matatagpuan ito sa Nasdake Building sa Pasay City at patuloy na pinapatakbo sa tulong ng donasyon mula sa publiko at pribadong sektor, pati na rin ng mga volunteer. RNT/MND