MANILA, Philippines – Naghain noong Biyernes ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte ng ikatlong petisyon sa Supreme Court of the Philippines na kumukuwestiyon sa nagpapatuloy na impeachment proceedings sa House of Representatives.
Ayon sa 14 na petitioner, kabilang ang dating Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Ronald Adamat, nais nilang kuwestiyunin ang tinawag nilang “constitutionally defective” na proseso na maaari umanong mauwi sa “political harassment” laban kay Duterte.
Kasama rin sa mga naghain ng petisyon ang mga miyembro ng One Bangsamoro Movement at 12 abogado na pinamumunuan ni Jerryl Rondez-Layog. Ito ay kasunod ng hiwalay na petisyon ni Duterte at ni abogado Israelito Torreon sa nakalipas na dalawang linggo.
Humihiling ang petisyon na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction upang pigilan ang mga ginagawang proseso ng House committee on justice.
Sa apat na impeachment complaints sa House, dalawa na lamang ang natitira, ngunit iginiit ng mga petitioner na hindi umano ito constitutional dahil hindi raw nabigyan ng kopya ang lahat ng miyembro ng Kamara.
Ayon sa petisyon: “The constitutional condition for informed plenary participation is absent,” at “The referral process is thereby tainted by grave abuse of discretion because it converts what Duterte recognized as a deliberative constitutional stage into a hollow procedural passage controlled by officers rather than meaningfully owned by the House as a whole.”
Binigyan ng Korte Suprema ang House ng 10 araw para sumagot, ngunit hindi ito naglabas ng TRO para pigilan ang pagdinig ng House committee on justice.
Tinawag naman ng ilang mambabatas ang petisyon bilang “dilatory tactic,” at iginiit ng House panel na sumusunod sila sa Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara.
Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, tuloy ang proseso habang walang TRO mula sa Korte.
Sinabi rin ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na tila mali ang pagtingin ng kampo ni Duterte sa “SC” bilang “Sara’s Court” imbes na Supreme Court.
Samantala, iginiit ni Manila Rep. Joel Chua na ang mga petisyon ay posibleng paraan upang maantala ang proseso ng impeachment, at dapat umanong harapin na lamang ang mga akusasyon sa Kamara. RNT/MND