Home NATIONWIDE DSWD nagbabala sa illegal online adoption

DSWD nagbabala sa illegal online adoption

MANILA, Philippines- Isang malaking hamon para sa Department of Social Welfare and Development National Authority for Child Care (DSWD-NACC) na masawata ang mga kaso ng online illegal adoption.

Marami na kasi ayon sa DSWD-NACC na ginagawa ang kanilang transaksyon sa social media. 

“Actually, member nga ako sa isa sa mga Facebook groups dahil gusto ko nga tingnan kung anu pinopost nila dun at maraming nagpopost na nagbebenta ng kanilang mga anak,” ang sinabi ni DSWD-NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada.

“‘Yung iba hindi naman nagpapabayad pero gustong ipa-adopt ang anak at may mga vulnerable individuals na gusto na magkaanak sa mabilis na paraan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng bagong administrative system ng gobyerno, ginawang simple ng DSWD ang proseso ng pag-ampon na may foster parents na hindi na nire-require na humarap sa korte.

“Kung hindi nyo po talaga kayang bigyan ng magandang buhay ang inyong mga anak nandito naman po ang gobyerno para tumulong sa kanila…Tututukan naman namin yun kapag nasa child caring agency na or nasa foster parents na ang mga bata. Kami na bahala dun sa mga bata,” giit ng opisyal.

Sa halip ng abandonahin ang bata o iwan ang bata sa kung saan mang lugar, ang “unwanted children” ay tinatanggap sa child caring agencies.

Para naman sa prospective adoptive parents, simple lamang ang application process.

“Ang matching committee naman ay may mga lawyers, doctors, psychologist, NGO representatives at social workers. Sila ang nagma-match sa mga parents at mga bata of course, tinitingnan kung capable ba mga parents talagang matustusan ang pangangailangan ng mga bata. Metikuloso ang matching process namin,” paglalahad niya.

Nauna rito, ikinasa na ng DSWD-NACC ang kanilang kauna-uinahang National Congress on Adoption, araw ng Miyerkules.

Samantala, binalaan naman ang publiko laban sa illegal adoption.

“That child could be kidnapped, malay mo kung saan kinuha ang batang yan and you could be liable for kidnapping if the child is found with you,” ang tinuran naman ni child care advocate Chary Mercado.

“Biglang mage-eksena dun na anak ko yan kukunin ko yan o hihingian ka ng pera o kukunin ang bata sayo,” diing pahayag ni Mercado. Kris Jose