Home NATIONWIDE DSWD, nagbabala sa legal na parusa sa pangungutya sa mga taong may...

DSWD, nagbabala sa legal na parusa sa pangungutya sa mga taong may kapansanan

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga mapanlait at diskriminasyong komento sa mga taong may kapansanan, kasabay ng panawagan sa mga content creator na igalang ang mga taong may neurodevelopmental conditions, suliranin sa kalusugang pangkaisipan, at dumaranas ng psychosocial crisis.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Huwebes, Oktubre 15, nararapat sa bawat taong may kapansanan, kabilang ang mga nasa autism spectrum, ang dignidad, respeto, privacy, at wastong pangangalaga.

“Ang pagsasamantala sa kapansanan ng isang tao para sa libangan, pangungutya, o pakikipag-ugnayan online ay hindi katanggap-tanggap, dahil pinapalakas nito ang mapaminsalang mga stereotype at nagtutulak ng diskriminasyon laban sa isang mahinang grupo,” ani Dumlao.

Naglabas ang DSWD ng pahayag bilang tugon sa kontrobersiyal na episode ng podcast na Machong Chismisan, na nagbiro tungkol sa mga taong may kapansanan, partikular sa mga nasa autism spectrum.

Hinikayat ni Dumlao ang mga content creator na maging responsable sa pagtalakay sa mga paksang maaaring makasakit o lumabag sa karapatan ng mga bulnerableng sektor.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng Republic Act No. 9442, maaaring maparusahan ang mga gawaing nagpapahiya, nanunuya, o nang-iinsulto sa mga taong may kapansanan, kabilang ang mga nagaganap sa pampublikong lugar o online.

Tinanggal na ang kontrobersiyal na podcast content at humingi na rin ng paumanhin ang mga host.

Muling iginiit ng DSWD na dapat igalang ang mga taong may kapansanan, kabilang ang mga dumaranas ng psychosocial crisis at mga nasa mahihirap na sitwasyon.

Binigyang-diin ni Dumlao na may responsibilidad ang mga content creator, gaya ng mainstream media, na lumikha ng magalang at inklusibong digital na espasyo at tiyaking sensitibo sa karapatan ng mga bulnerableng indibidwal ang kanilang mga inilalathala. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here